Actions

Work Header

di bibitaw

Summary:

si jeonghan nagtampo, e may motor si seungcheol

Work Text:

Jeonghan:

Huwag mo na ko hintayin

Mauna ka na sa bahay

 

Malakas na singhap sabay tingala at pikit. Ilang malalalim na hininga at buga ang ginawa ni Seungcheol para pigilan ang sariling pumitik.

 

Nagtampo na kasi ang boyfriend niyang si Jeonghan sa kaniya. Tatlong araw na siyang bumibinggo rito, at mukhang ngayon napuno at sa chat pa sila nag-away kaya talagang nalintikan na.

 

Tiningnan niya ulit ang text sa kaniya ng nobyo. Sampung minuto palang ang nakalipas mula ng i-send sa kaniya ito. Siguradong hindi pa ito nakakalayo at naglalakad pa papunta sa terminal. Malas niya nga lang kung nag-book ito ng grab.

 

Hindi na nag-aksaya ng oras si Seungcheol at mabilis na bumalik sa motor niyang nakaparada sa likod. Diretso sakay, wala ng ibang nasa isip kundi ang sundan ang kung ano mang sinakyan ng nobyo.

 

Nang makalabas ng school ay mas binilisan niya na ang takbo. Kahit hindi sigurado kung maabutan niya pa ba si Jeonghan sa terminal. 

 

Dalawang liko sa kanan, tapos isa sa kaliwa. Kita niya si Jeonghan na nag-aabot ng bayad sa kundoktor. Hindi niya ito tinawag, dahil alam niyang hindi rin naman ito susunod.

 

Imbes ay naghintay siya. Hindi inaalis ang tingin sa nobyo na pinagpapawisan na at naka-abante sa upuan dahil pilit sinisiksik ang sarili sa gitna ng jeep.

 

Dinilaan ni Seungcheol ang pang-ibabang labi bago ito kagatin. Nagdadalawang isip tuloy siya kung hihilahin niya na ito paalis sa siksikang jeep na iyan at ilagay sa likod niya. Pinaka-ayaw nito ang pinagpapawisan, unting init lang si reklamo na agad. Tapos ipipilit pa ang sarili sa mala-sardinas na jeep.

 

Pero bago pa siya makapagdesisyon ay sumakay ang driver sa harapan. Wala tuloy nagawa si Seungcheol kundi isuot ang helmet at tumapat sa bintana kung nasaan ang nobyo. Bago pa umandar ang jeep ay tinawag niya si Jeonghan.

 

Hindi ito kaagad tumingin sa kaniya. Pero nang mapansin ng katabi ay tinapik niya ito at doon ay napansin si Seungcheol sa bintana—inaabot ang kulay pink na mini fan. 

 

Kumunot ang noo ni Jeonghan. Nagtataka bakit nandito ang boyfriend niya. Pero hindi na niya inisip ang mga ito at kinuha na lang ang mini fan. Hindi na siya mag-iinarte dahil sapat na ang arte niya sa sobrang pawis at init.

 

Ilang sandali rin ay umandar na ang jeep. Pinauna iyon ni Seungcheol at bumuntot na lang sa likod. Kita niya si Jeonghan na inilalagay ang may kahabaang buhok sa kaliwang balikat para itapat ang mini fan sa leeg.

 

Habang ganoon ay nagkasalubong ang mata nilang dalawa. Hindi naman sila makapag-usap kaya imbes ay walang bumitaw kahit isa. Hindi rin sigurado si Seungcheol pero tingin niya ay nakikita siya ni Jeonghan kahit pa nakababa ang helmet visor. 

 

Tumigil ang jeep dahil sa traffic. Tumigil din si Seungcheol. Inilagay ang bigat ng motor sa kanan at saka inangat ang visor. 

 

Nakatingin pa rin sa kaniya si Jeonghan. Tumitig lang din siya. 

 

Umandar na ulit ang mga sasakyan. Pero ang tingin ni Jeonghan at nanatili kay Seungcheol. Pinapanood ang bawat liko, bilis, bagal, at preno ni Seungcheol. 

 

Kahit hirap at init na init siya sa pwesto ay hindi niya inalis ang mata sa boyfriend na nakasunod sa jeep kung saan siya nakasakay. Nagbabantay sa kung anong mangyari. Nababahalang baka mawala sa paningin niya ang boyfriend kapag tumingin siya sa iba.

 

Malapit na sa babaan si Jeonghan nang ialis niya ang tingin dito. At ganon na lang ang pagsalubong ng kilay niya nang makitang wala na ang motor sa likod ng jeep. Tumingin siya sa harap at sumilip sa bintana. Kahit sa likod ay tumingin siya, ganoon na rin sa harap. Pero wala.

 

Tumigil sa babaan ang jeep. Bumaba si Jeonghan. Iginala ang mata sa kalsada—hinahanap ang motor at ang nobyo.

 

“Nasaan ‘yon? Nauna na?” tanong niya sa sarili. 

 

Isang malakas na tunog ng busina. Napatingin si Jeonghan sa pinanggalingan noon. Doon ay nakita niya si Seungcheol na nakatigil sa gilid at inaayos na ang helmet na ipapasuot sa kaniya.

 

Bumuntong hininga si Jeonghan at dahan-dahang naglakad palapit. Mabigat pa rin ang loob niya pero hindi niya na rin kayang maghintay pa ng tricycle para makapasok sa village nila.

 

Walang nagsalita. Hinila ni Seungcheol si Jeonghan palapit sa kaniya at marahang isinuot ang helmet dito. Inalalayan niya rin itong sumakay sa likod habang hawak-hawak ang kamay. At tulad ng dati, awtomatikong pumatong at pumalibot ang kamay ni Jeonghan sa bewang ng nobyo.

 

Walang nagsalita. Dahil saulado na nila ang isa't isa.

 

Kailangan pa ni Jeonghan ng oras para damdamin ang tampo. At gugugulin din ni Seungcheol ang oras na iyon para manuyo.