Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2023-01-25
Words:
1,326
Chapters:
1/1
Comments:
2
Kudos:
77
Bookmarks:
4
Hits:
828

Himbing

Summary:

Dahan-dahang bumalik ang kanyang kamalayan sa kanyang paligid. Napaisip si Fidel na tila ito na yata ang isa sa mga nakakahimbing niyang pahinga kahit na ramdam niyang hindi sa isang malambot na unan nakakalong ang kanyang ulo.

 

A soft piece again for our OTP. I refuse to acknowledge last night's episode. :)

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Bakas ang pagod sa bawat galaw ni Fidel habang iniikot ang bayan ng San Diego, halos dalawang araw na simula nang siya ay nakatulog ng maayos. Marami masyadong inaayos sa kanyang kumpanya at inaalala din niya ang tila umiinit na tensyon sa pagitan ng kanyang amigo at ng mga prayle. Sa kanyang pagkabalisa ay napagpasyahan niyang magikot-ikot muna upang masubukan nitong makalimutan ang kanyang mga alalahanin.

 

Gaya ng mga nagiging gawi niya netong mga nakaraang buwan, napunta ang kanyang isipan sa babaeng kanyang tinatangi. Napangiti siya ng bahagya habang iniisip niya si Binibining Klay at kung ano o saan ito nagla-lamierda ngayong dapit-hapon. Sadyang binihag na ng kakaibang binibini ang kanyang puso, at buong-buo naman itong hinain ni Fidel sa kanya ng walang pakundangan. Hindi man kaaya-aya sa karamihan ng San Diego ngunit ang talim ng kanyang mga salita, at talas ng kanyang isipan ay isa sa mga bagay na kanyang tinatangi sa kakaibang binibini.

 

Habang siya ay nagmumuni-muni ay narating niya ang isang masukal na parte ng bayan kung saan maaaring magliwaliw ang mga pamilya ngunit dahil sa oras na ito ay wala ng halos tao dito. Habang iniikot ang kanyang mga mata ay napalundag sa gulat ang kanyang puso nang mapansin ang isang binibini na nakaupo sa isa sa mga bangko dito. Naramdaman niyang ngumiti ng malaki ang sarili at dali-daling tumungo sa kinauupuan ng dalagang laging laman ng kanyang isipan ngunit habang papalapit ay napansin niyang ito ay walang malay at tila nakatulog na lamang ng walang pakialam sa palagid.

 

Alam ni Fidel na hindi kanais-nais sa isang kagaya niyang ginoo na titigan ang isang dalaga ngunit hindi pa rin niya napigilang mapuna ang wangis ng kanyang minamahal habang ito ay natutulog. Malambot ang kanyang mukha, ang laging magkasalubong nitong kilay ay malumanay, tila walang problemang iniisip ang dalaga ngayon at nagagalak si Fidel na masilayan ng ganito ang dalaga. Kung maaari niya lamang tanggalin ang lahat ng alalahanin at matulungan niyang pasanin ang mga problemang dinadala ng dalaga ay gagawin niya ito. Handa si Fidel na ialay ang lahat upang makitang payapa ang kanyang binibini.

 

Marahan siyang tumabi sa kanyang binibini at pinikit ang kanyang mga mata. Nakikinig lamang siya sa bawat kumpas ng hangin sa mga dahon ng puno, pinakikiramdaman ang haplos ng dapit-hapon at katahimikan sa kanilang paligid. Tila nawala lahat ng kanyang pagod at alinlangin nang masilayan ang kanyang minamahal.

 


 

“Sir Fidel? Anak ng teteng, nakatulog pa talaga to sa balikat ko ah. Sir Fidel, gising na uy.” Laking gulat ni Klay ng magising siya dahil sa bigat sa kanyang kanang balikat, at napalundag ang kanyang puso nang mapansin kung ano o sa halip ay sino ang nakakanlong sa kanyang balikat. Hindi mawari ng dayong dalaga kung paano nakatulog sa kanyang balikat ang binata. Ang huling pagkakatanda niya ay mag-isa lamang siyang nagninilay-nilay habang pinapanood ang mga pamilyang nagliliwaliw sa kanyang paligid; Iniisip ang kanyang ina at kapatid pati na rin ang masalimuot na nangyari sa pamilya nila Aling Sisa. Marahil sa kanyang pagod ay nakatulog ito ngunit hindi niya inaasahan na may dumalo din sa kanyang pagkakatulog.

 

“Wala na yung araw. Lagot na naman ako nito pagkauwi ko.” Bulong sa kanyang sarili. Hindi niya napigilang tignan muli ang mukha ng binata at obserbahan ito. Bakas ang pagod sa kanyang wangis at malalim ang mugto ng kanyang mga mata. Nakakunot ang kanyang mga kilay at nangati ang palad ni Klay sa kagustuhang ituwid ito. Mukhang maraming iniisip ang binata kahit sa kanyang pagtulog at lumambot ang puso ni Klay sa pag-aalala na hindi na naaalagaan ng binata ang kanyang sarili.

 

“Sige na nga, tutal naman mapapagalitan na talaga ako. 10 more minutes tapos gisingin ko ulit ito. In fairness, pa-epek talaga ang kanyang mukha lalo na kapag tulog.” Aniya sa kanyang sarili. Diniretso ni Klay ang kanyang tingin, nagpapasalamat na wala nang tao sa parteng ito ng bayan. Sigurado siyang maeeskandalo na naman ang mga tao dito kapag nakita nila ang pwesto nila ni Fidel ngayon, lalo na at wala silang bantay na kasama.

 

“Hep hep, anong bantay bantay dyan. Hindi naman kayo nagliligawan eh.” Sita niya sa kanyang sariling isipan.

 


 

Dahan-dahang bumalik ang kanyang kamalayan sa kanyang paligid. Napaisip si Fidel na tila ito na yata ang isa sa mga nakakahimbing niyang pahinga kahit na ramdam niyang hindi sa isang malambot na unan nakakalong ang kanyang ulo. Laking gulat niya ng marinig ang isang boses sa kanyang ulunan.

 

“Good evening, did you have a nice nap?” Sarkastikong bati sa kanya ni Binibining Klay. Bumilis ang kabog ng kanyang puso nang mapansin niyang siya ay nakatulog sa balikat ng binibini. Dali-dali niyang tinuwid ang sarili at tumikhim ng malakas. Ramdam niya ang init ng kanyang mga pisngi at hinihiling niya na hindi ito mapansin ng kanyang binibini sa dilim.

 

“Patawarin mo ako sa aking kalapastangan, Binibining Klay. Nakita lamang kita habang ako ay nagiikot sa bayan at hindi ko maatim na gambalain ang iyong pagkakatulog kaya na lamang ika’y aking tinabihan upang mabantayan. Ngunit marahil sa aking pagod ay nawalan din ako ng malay. Patawad muli.” Mabilis niyang pagpapaliwanang sa binibini. Sa kanyang hiya ay hindi niya maatim na tignan ito sa mga mata. Lumipas ang ilang segundo ng katahimikan na pinagtaka ni Fidel kaya nagkusa na siyang tignan ang wangis ng kanyang minamahal.

 

Bakas ang gulat sa mga mata ng binibini sa kanyang paliwanag at bahagyang namumula ang mga pisngi nito. Hindi mawari ni Fidel kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ng binibini sa kanyang binanggit. Nang mapansin na nakatingin sa kanya si Fidel ay tumikhim ito at binaling ang atensyon sa kanilang paligid.

 

“Hindi mo naman ako kailangan protektahan kahit na nakatulog ako dito mag-isa eh.” Paliwanag ni Klay habang nagmamasid sa kanilang paligid.

 

“Ngunit gaya ng iyong sabi ay ikaw lamang mag-isa dito. Hindi kakayanin ng aking sarili kung may mangyaring masama sayo, Binibining Klay.” Bakas sa kanyang tono ang sinseridad ng kanyang mga salita at napansin ni Fidel na lalong namula ang mga pisngi ng binibini na kanyang kinagalak.

Tumikhim ulit ng malakas ang binibini sabay tayo nito. “Ay nako, ilang beses ko ba sasabihin sayo na kaya ko naman ang aking sarili. Ikaw nga dapat itong alalahanin ang sarili eh. Tignan mo yung mga mata mo mugtong-mugto na. Di ka ba natutulog ng maayos?”

 

Isang malaking ngiti ang lumabas sa mukha ni Fidel at hindi niya napigilan ang sarili ng tanungin ang binibini sa kanyang harapan “Tama ba itong naririnig ko? Ikaw ba ay nag-aalala sa aking kalagayan?”

 

Nagkasalubong ang kilay ng kanyang kausap at may inis sa kanyang mukha ngunit hindi ito tumanggi sa sinabi ni Fidel na ikinagalak ng husto ng binata.

 

“Huwag kang feeler dyan, oy. Bahala ka na nga mauuna na ako sayo. Babu.” Tumalikod kay Fidel ang kanyang binibini at dali-daling tumayo si Fidel upang sundan ito.

 

“Sandali lamang Binibining Klay. Ihahatid na kita kala Maria Clara.” Aniya niya sa binibining lalo pang binilisan ang lakad sa kanya papalayo.

 

“Hindi na no. Baka pamisahan pa tayo ni Tiya Isabel kapag nakita niyang magksama tayo na walang bantay lalo’t gabi na.”

 

“Kung gayo’y hindi ako magpapakita sa kanila. Oh di kaya sasamahan kita hanggang makarating sa matao pang lugar malapit sa kanilang tahanan.” Naghihingalo niyang sambit habang sinusundan ang dalaga. Halos matapilok siya ng tumigil bigla si Binibining Klay sa kanyang harapan at hinintay syang makarating sa kanyang kinaroroonan.

 

“Di ka ba talaga titigil hanggat sabayan mo ako? Sige na nga, ngayon lang ito ah, wag kang masanay.” Napangisi muli ang binata sa mga salita ng binibini at sinabayan niya itong maglakad patungo sa tahanan nila Maria Clara.

 

Tahimik at matiwasay ang kanilang paligid; Rinig ang mga kuliglig na tila nag-aawitan ng masasayang kanta at ramdam nila ang pagaaruga ng simoy ng hangin. Marami mang hindi kasiguraduhan sa kanilang hinaharap at mga unos na nagbabadya sa kanilang paligid ngunit sa piling ng kanyang minamahal sa kanyang tabi, alam ni Fidel na kaya niyang harapin ang lahat ng mga ito.

Notes:

Kaya niya harapin kahit anong problema basta andyan si Klay kaso paano ba yan iniwan siya e. :D