Actions

Work Header

nakauwi na

Summary:

Walang ibang hiling si Jisung kundi ang magkaroon ng isa pang ama pero mabagal ang tatay niya.

o kung saan isang single father si Mark at naging housemates sila ni Donghyuck na gusto niyang asawahin pero hindi niya magawa

Notes:

this is for my number one enabler and bebe, Rose <3 The mahae brainrot lives on.

So ayon, this is my take with single parent au. :") Everything is just for fic purposes, anumang pagkakahalintulad sa totoong buhay ay base lamang sa ilang experience ko at ng pamilya ko at ng malikot kong isip.

special thanks to naning, my bffie, for beta-reading this fic. hope you all enjoy <3

republished as requested by someone very very dear to me ayan na HAHAHA hay nako mhists tama na yan HAHAHAHAHAHA lumalambot n nmn puso q sa inyo pero who knows!!!

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Nakiramdam si Donghyuck habang naglalakad papalapit sa maliit na apartment na kanyang inuupahan. Ipinasok niya ang susi sa seradura at napailing nang hindi nag-click ang lock.  Naiwan na namang hindi nakasara ang unit. Napailing na lang siya at mabilis na inilapag sa lamesa ang bitbit na grocery bags.

 

"Tatay, quiet ka! Baka marinig tayo ni Tito Hyuckie! Shh, Tatay!"

Napangiti si Donghyuck nang marinig ang maliit na bulungan at bungisngis na mukhang nanggagaling sa kuwartong malapit sa kusina. 

“Okay. Behave na si Tatay para magulat natin si Tito Hyuckie mo."

 

Binuksan niya ang bag at dumukot ng pasalubong na pinangako niya sa bata. Dahan-dahang naglakad si Donghyuck patungo sa kuwarto ng mag-ama at ginulat ang dalawa pagkatulak ng pinto.

 

"Anong pinagbubulungan niyo riyan, ha?! Huli kayo!"

Matinis ang hagikgik ni Jisung nang buhatin niya ito at iangat sa ere bago pinugpog ng halik ang mukha ng bata 

"Tito Hyuckie! Saan po pasalubong ko?"

 

Kunwa'y nag-isip muna si Donghyuck. "Behave ka ba kay Tatay mo today? 'Di ka ba nagkulit?"

Kumawag ang batang tuwang-tuwa na makita siya. "Yes po, Tito! Tatay, mabait naman po ako today, di ba? Tell mo po Tito Hyuckie na nag-color lang ako ng homework ko."

Ngumuso si Jisung at hindi napigilan ni Donghyuck na pindutin ang mapintog nitong pisngi. Lumingon siya sa gilid at nakita ang ama ng batang  ngiting-ngiti rin sa kanya. 

 

Parehong-pareho ang dalawa na sa tuwing masaya ay nakangiti rin pati ang mga mata. Hindi maitatanggi ni Donghyuck na pinagbiyak na bunga ang dalawa. Magkamukhang-magkamukha ang dalawang anghel na espesyal sa buhay ni Donghyuck ngayon.

 

"Sige na, Hyuck. Ibigay mo na 'yang pasalubong mo bago pa umiyak si Sungie." Tumawa si Donghyuck nang makitang nakalabi pa rin si Jisung. "Pero parang awa mo na, huwag mong sinasanay ang anak ko. Hay. Spoiled na spoiled na dahil sa iyo."

Humalik si Jisung sa pisngi niya nang iabot niya ang plastic na naglalaman ng cookies. Agad na kumalas ang bata sa pagkakabuhat ni Donghyuck at tumakbo palabas sa may sala para manood at kumain.

Nang maiwan silang dalawa ay tumaas ang kilay niya sa lalaking kanina pa panay ang reklamo. Pinitik niya ang noo nito bago inayos ang pagkakasuot ng salamin at sinuklay ang magulong buhok gamit ang daliri.

 

"Aray naman, Hyuck! Gan'yan ba ang pasalubong mo sa housemate mo?"

"Hindi ka na naman nag-lock ng pinto, Mark Lee, tatamaan ka na sa akin."

 

Natawa si Donghyuck nang ngumuso lang ito bilang sagot. "Kamukha mo si Jisung. Parehong masungit, bugnutin at hilig ngumuso kapag naglalambing."

"Iniiba mo ang usapan. 'Di naman ako naglalambing ha."

Bumuntong-hininga siya at matamang tumitig sa lalaki. "Mark naman," singhal niya. "Alam mong walang kaso 'yon sa akin, 'di ba? I love spoiling your kid but I know my limits. Bawas-bawasan mo 'yang pag-aalala mo."

Hinila niya palabas si Mark ng kuwarto bago inabot ang isang grocery bag rito. "Pakilagay mo nga 'to sa cupboard. Nag-stock akong noodles pero hindi ibig sabihin, 'yan na ang palagi mong kakainin."

"Donghyuck," ingit ni Mark. "Alam ko 'yon pero alam mo si Jisung, hindi ka na niyan lulubayan kaka-spoil mo."

Dinutdot niya ang noo ni Mark, salubong ang kilay doon at halatang hindi ito mapakali. Naiintindihan niya, wary ang housemate niya sa lahat ng bagay. Hindi sanay si Mark na humingi ng tulong o makitang mabait dito ang mga tao.

 

Kaya nga Donghyuck tries his best na alalayan ang kaibigan pero at the same time ay pinipigilan din niyang huwag masyadong mag-alala para rito. They're both grown adults pero may kung ano kay Donghyuck na gustong-gustong alagaan ang dalawa.

 

"Mark, wala ngang problema sa akin. Gusto ko kayong i-spoil pareho. Saka paminsan-minsan lang naman, 'di ba? Tingnan mo, behave naman ang baby natin."

 

Sa parte ni Mark, kung sabagay ay hindi naman humingi ng kahit ano ang anak sa kanya. Masiyado siyang abala sa trabaho at pag-iipon para sa pag-aaral ni Jisung. Lumalaki na ang anak niya habang laking pasalamat ni Mark kay Donghyuck na tumatayong pangalawang ama ng bata.

Kung pagmamasdan, marahil iisipin ng iba na mukha silang larawan ng isang masaya at kumpletong pamilya. Mabait si Jisung, lumaking magalang at may takot sa Diyos. At makikita na waring may nagmamahalang magulang na nakagabay rito.

Pero mali. Dahil hindi ganoon ang kaso sa kanila. 

 

Nakilala ni Donghyuck ang mag-amang Mark at Jisung sa pamamagitan ng kaibigan niyang si Taeyong na pinsan ni Mark. Naghahanap si Donghyuck ng housemate noon para may kahati siya sa renta at para rin mabawasan ang gastusin.

Dumating si Mark sa panahon na kinakailangan ni Donghyuck ng tulong at mukhang gano'n din ang lalaki. Pareho silang may pinagdadaanan at naging sandalan nila ang isa't isa.

Masipag at matalinong estudyante si Mark noong nag-aaral pa. Wala rin namang bisyo at hindi nakikibarkada kung kani-kanino kung ibabase iyon sa kuwento nito sa kanya. Kaya laking gulat ni Donghyuck ipakilala ni Mark ang anak bago ito mag-move in sa apartment niya.

~

 

"Alam kong sinabi na ni Kuya Taeyong sa 'yo na kailangan ko ng malilipatan. Napalayas ako sa amin kasi kaga-graduate ko lang ng college, may dagdag p-palamunin na raw ako."

Kumikirot ang puso ni Donghyuck habang tahimik na nakikinig kay Mark. Hindi niya mawari kung bakit napakagaan na agad ng loob niya sa lalaki.

"Hindi ka ba magtatanong sa akin?"

Magaan siyang ngumiti kay Mark. "Ikuwento mo lang sa akin kung komportable ka. Hindi naman kita pipilitin."

"Last year lang dumating si Jisung sa buhay ko," panimula nito. "Alam mo na, may pagkakataong nagkakamali tayo. N-Nakabuntis ako, hindi ko alam paano umabot sa gano'ng punto pero nandoon na e. Mali 'yung nangyari pero hindi pagkakamali ang anak ko."

 

Alam ni Donghyuck na nahihirapan si Mark na magsabi ng saloobin. Base sa mga kuwento ni Taeyong ay mahiyain ang pinsan nito ngunit wala namang mapipintas dahil mabait si Mark.

 

"Mark," bulong ni Donghyuck. "Hindi mo kailangang mag-open up agad kung nahihirapan ka pa. Hindi kita huhusgahan kung 'yan ang iniisip mo."

Umiling ang binata, may luhang namumuo sa mata nito. "Gusto kong maging bukas sa 'yo, Hyuck. Lalo na kung patutuluyin mo kami rito sa bahay mo. Priority ko si Jisung at gusto kong lumaki siya sa lugar na tanggap siya."

Tinitigan ni Donghyuck ang sanggol na karga-karga ni Mark ngayon. Tantiya niya ay malapit nang mag-isang taon ang bata. Mukha itong malusog kaya napanatag ang loob niya.

"Iniwan na lang basta si Jisung sa tapat na pintuan namin. Wala akong maalala kung sino o ano ang birth giver niya. Hindi naman ako nagduda na sa akin siya galing dahil tingnan mo, kamukhang-kamukha ko ang anak ko."

May malambing na ngiti sa labi ni Mark habang nakatitig kay Jisung, kitang-kita ni Donghyuck  kung gaano nito kamahal ang anak.

 

Nang mag-angat ng tingin si Mark ay may nakahanda nang mapang-unawang ngiti si Donghyuck. Lumaki siya sa pamilyang binusog siya ng pagmamahal at tinuruan kung paano intindihin ang kapwa sa anumang pinagdadaanan ng mga ito. Kaya magaan ang loob niyang tanggapin ang lalaki at ang sanggol nito.

 

"Si Jisung lang ang tanging bagahe ko, Donghyuck." Maliit ang tinig nito at lalong kumikirot ang puso niya. Bakit may taong kailangang manakit ng iba dahil lang sa nagkamali ang mga ito ng isang beses?

"Wala akong kahit anong sabit sa buhay. Maayos at matino akong tao kaya makakaasa kang magiging maluwat ang pagsasama natin bilang housemates. Tutulong ako sa gawain at makikihati para sa gastusin pati na sa pagkain."

Isang salita lang ang naaangkop ilarawan si Mark. Responsable. Mula sa tindig hanggang sa ugali nito.

Tumango naman si Donghyuck, nakatuon ang mata sa unti-unting pagmulat ni Jisung ng mata. Bahagya itong umingit at tumitig ang sanggol sa kanya.

Mukha namang naunawaan ni Mark ang nangyayari kaya inabot nito si Jisung sa kanya para kargahin ang munting anghel.

 

Curious eyes met Donghyuck, the kid in his arms made little gurgling noises at halos matunaw ang puso niya nang humaplos ang maliit nitong kamay sa kanyang pisngi.

Kinausap siya ni Jisung na wari bang ang daming gustong sabihin. Bungisngis ang sanggol at hindi matanggal ang ngiti sa labi ni Donghyuck habang pinagmamasdan ito. 

 

Habang halos mabunutan ng tinik sa puso si Mark habang nakatitig sa eksenang nasa harap niya. Bihira siyang magtiwala after being wronged for so many times ngunit ngayon, alam niyang nasa mabuting kamay sila.

Hindi na kailangan ni Mark na magmakaawa at makitira sa kung sinuman dahil panatag siyang tanggap sila ni Donghyuck.

 

"Tuwing katapusan ang bayad ng renta. All in na kasama ang tubig at ilaw. Ako muna bahala sa grocery at ako rin ang nagluluto. House rules ko lang ay sabihan mo ako kung mag-uuwi ka ng babae sa bahay." Tumaas ang kilay ni Donghyuck nang ngumisi si Mark habang nagsasalita siya. "Magkusa na lang din maglinis, 'yon lang ang pakiusap ko sa iyo."

 

Seryoso si Donghyuck habang hinehele pa rin si Jisung at lalong sumama ang tingin niya nang tawanan siya ni Mark. Matinis iyon at halos malaglag ang suot nitong salamin.

 

"May nakakatawa ba sa sinasabi ko? Pinaglololoko mo ba ako, ha, Mark?"

Malawak pa rin itong nakangisi sa kanya bago umiling. "Ako? Babae? Mag-uuwi ng babae?! Labo. Baluktot ako, Hyuck Pero puwera biro, hindi ko pa naiisip 'yan. Kasi kapag may anak ka na, uunahin mo sila, 'di ba?"

Napanganga na lang si Donghyuck. "Ha? Baluktot?!"

 

Nakangisi lang si Mark sa kanya, may makapal na tensyon na bumabalot kay Donghyuck at nagtatangkang lumabas ang puso sa dibdib niya dahil hindi niya naman itatanggi na guwapo ang lalaking nasa harap niya ngayon.

"Baluktot, Donghyuck. Do I have to spell it out for you?" Natatawa nitong tanong. "Sorry, baka nabibigla ka. Magaan lang ang loob ko kaya nakapagkuwento na ako agad ng ganito."

Napalunok na lang si Donghyuck sa mga bagay na pinagtapat ni Mark, parang gusto niyang mapaupo dahil sa dami ng mga nasabi nito sa kanya.

"O-Okay lang, Mark. W-Walang problema kasi ako man, kagaya mo rin."

 

At sa isang marahang pisil sa balikat ay doon naghudyat ang pagkakaibigan nilang dalawa. Naging karamay ang isa't isa sa mga taong lumipas hanggang sa ngayon ay unti-unti nang lumalaki at nagkakaisip si Jisung.



"Hyuck, okay ka lang? Kanina pa kita kinakausap pero you're spacing out. Ano raw uulamin natin sabi ni Jisung?"

Napamulagat si Donghyuck at hindi namalayang nakatulala na lang siya habang patuloy ang pagdaloy ng tubig sa hinuhugasang karne.

"Chicken na lang. Gusto ba ni Jisung ng fried chicken?"

Ngunit imbis na si Jisung ang sumagot ay inipit ni Mark ang tinig at umarte na parang bata.

 

"Opo, Tito! Gusto ko po!"

 

Padabog na nagmartsa si Jisung at sumali sa kaguluhan sa kusina. "Hmp! Si Tatay ko gaya-gaya! Hindi naman po ikaw si Jisung eh."

Nakasimangot itong ngumuso kay Mark at hinila ang laylayan ng polo ni Donghyuck. "Tito Hyuckie, buhat po!"

Tumawa siya rito bago kinarga ang bata. "Pikon, kamukha mo si Tatay mo."

Dumila si Jisung bago itinago ang mukha sa leeg ni Donghyuck. "Hmp! Tatay Mark pangit!"

Umingit si Mark dahil dito at walang nagawa si Donghyuck kundi matunaw na lang puso. Pareho niyang kahinaan kapag nagpapa-cute ang mag-ama sa kanya tanda na naglalambing ang mga ito at hindi titigil si Mark at Jisung hangga't hindi nakukuha ang gusto.

Humalik siya sa pisngi ng bata at saka inabot ang kawali. "Hindi na natin bati si Tatay, ginagaya niya ang baby Jisung namin."

Lalo lang umusli ang labi nito at kumirot ang dibdib niya sa di malamang dahilan. "Di bati Tatay, huwag mo po pakainin ng luto mo Tito Hyuck!"

Puno ng asaran ang munti nilang kusina, lumubay na sa bisig niya ang bata kaya naman malaya na si Donghyuck na naghanda ng hapunan habang dinig mula sa sala ang panonood ng mag-ama ng paboritong cartoons ni Jisung.

 

Isa ito sa mga kinasasabikan ni Donghyuck pag-uwi mula sa maghapong trabaho. Hindi alintana ang anumang pagod dahil agad iyong nabubura kapag nakikita niya ang munti niyang pamilya.



~

 

"Wala na bang homework si Jisung? Project? Mga kailangang i-submit?" tanong ni Donghyuck habang nagliligpit sila ni Mark ng pinagkainan.

"Wala na po." Ngiti nito sa kanya. "Nagawa na bago ka pa dumating. Next week yata long tests na niya kaso lang may raket kami sa mga araw na 'yan."

Napangiwi si Donghyuck, alam naman niyang madiskarte si Mark. Street smart kaya napakarami nitong raket at sideline na dahilan para mas mag-alala siya rito.

 

"Okay, ako na bahala kay Ji. May gatas pa ba siya? Vitamins?"

Tumitig si Mark sa kanya bago kinusot ang buhok ni Donghyuck. "Meron pa, kasya pa sa buong linggo. Ikaw ang dapat magbawas ng pag-aalala. Hayaan mo na ako sa raket na 'to. Hyuck, nakakahiya kasi hindi mo obligasyon na bilhin 'yung necessities ni Jisung."

Akma siyang magrereklamo pero nagpatuloy si Mark sa litanya nito. "Masiyado mo na kaming inaalagaan pareho. Hindi naman yata tama na iasa ko sa iyo ang anak ko."

 

Isinara ni Donghyuck ang cupboard bago naupo sa tabi ni Mark at hinawakan ang kamay nito.

Minsan naiisip niya, gaano na ba sila katagal na kinakapa ang linya ng pagkakaibigan o pag-iibigan? Gaano pa ba karaming beses niyang kailangang itatak sa kukote ni Mark na hindi naman iyon obligasyon dahil gusto niya ang ginagawa para sa mag-ama niya?

 

"Anak natin," diin ni Donghyuck. "Anak natin si Jisung, Mark. Hindi man siya galing sa akin, gusto kong malaman mo na anak ang turing ko sa kanya. Pamilya mo na ako, di ba? Hayaan mong tulungan kita."

May bahid ng pagod ang mukha ni Mark. Nasa early twenties palang sila ngunit dala ng bigat ng trabaho at hirap ng buhay, alam niyang mas kinailangan ng lalaki na mag-mature agad para sa anak nito.

Nanigas si Donghyuck nang maramdaman ang pagsandal ng ulo ni Mark sa balikat niya. "Alam ko naman, Hyuck. At laking pasalamat ko na tinanggap mo kami. Ang dami ko nang utang kasi pati anak ko ay minahal mo rin."

 

"Hindi naman kayo mahirap mahalin, Mark."

 

Pinakawalan ni Donghyuck ang hanging nakaipit sa dibdib nang abutin ni Mark ang kamay niya at nilaro ang mga daliri. Ganito silang dalawa, pinipilit na maging normal ang relasyon kahit madalas ay alam naman nila pareho na may nag-iba na sa pagitan nila.

 

"Kaya huwag ka nang mag-isip. Masaya ako, hindi ako mapapagod sa inyo. Ang mahalaga, busog si Jisung sa pagmamahal, okay?"

Tumango lang si Mark at hinayaan niya itong nakapulupot sa kanya. Alam ni Donghyuck kung gaano kahirap para rito ang mga bagay-bagay na pati oras para sa anak ay nasasakripisyo makakuha lang ng maraming sideline.

 

"Salamat, Hyuck. Ikaw munang bahala kay Jisung, okay? Mga Martes 'yon, ilang araw lang naman gigs nila Jeno."

Tinapik niya ang bumbunan ni Mark at saka ikiniskis ang ilong sa noo nito. "Oo na. Pero parang awa mo na, magpahinga ka. At umuwi ka sa amin ng anak mo nang maayos."

Saglit pa silang nag-usap bago niya tuluyang itinulak si Mark sa kuwarto para patulugin si Jisung at asikasuhin dahil maaga pa ang klase ng bata kinabukasan.

 

Donghyuck is left alone with his swirling thoughts. Nakatungo siya sa lababo, dinadama ang banayad na pintig ng puso ngunit palaging may kirot na kasama doon.

Sa loob ng apat na taong kapisan niya ang mag-ama sa iisang bubong ay hindi naman maiiwasan ang pagkakaroon ng feelings ni Donghyuck para kay Mark dahil napakarami nilang pinagsamahan.

Mula sa unang dapa, unang hakbang at mga unang salita ni Jisung ay kasa-kasama si Donghyuck na parang siya ang katuwang ni Mark. Hindi na mabilang kung ilang ulit nang sinasabi ng mga kakilala nila na bakit hindi na lang silang dalawa.

Bawat milestones sa buhay ng mag-ama ay nariyan si Donghyuck, nasa likod para umalalay at simuporta. Tama naman si Mark, hindi niya obligasyon dahil nariyan ang lalaki para sa anak nito ngunit hindi maiwasan ni Mark na magmalasakit sa dalawa.

Sa mga check-ups at vaccines ni Jisung ay kasama siya, kapag gipit si Mark ay nag-aabot si Donghyuck ng kahit magkano para makatulong dahil mas nakakaluwag siya sa gastusin.

 

Sumilip muna siya sa kuwarto ng mag-ama at kita niyang hinahanda na ni Mark si Jisung sa pagtulog.

"O baby, say goodnight na to Tito Hyuckie. Siya muna bahala sa 'yo next week kapag bedtime na."

Lumapit si Donghyuck sa kama at saka humalik sa noo ng bata. "Night night, Tito Hyuckie ko."

 

"Goodnight din, baby love."



At doon nagtapos ang isang buong maghapon para sa kanila. Nahiga na si Donghyuck sa kanyang kuwarto at dama ang banayad na paghinga sa apat na sulok ng apartment tanda ng simula ng isang mahabang gabi para sa lahat.

 

Sana pagdating ng bukas ay maayos pa rin sila.



~

 

Sa mga sumunod na araw ay naging abala silang dalawa sa trabaho, mabuti na lang at mabait ang kapitbahay ni Donghyuck na si Taeil na isang guro sa eskwelahan ni Jisung kaya ito ang nag-aasikaso kapag hindi sila pupuwede ni Mark.

At dahil sa pagiging busy ay napapadalas na rin ang uwi ni Mark ng gabi, ayaw man ni Donghyuck na manghimasok ay napapansin pa rin niya ang kawalan ng tulog ng lalaki. Minsan ay naaabutan niya itong nakadukdok sa tapat ng laptop at doon na nakakatulog.

 

Pagkagising ni Donghyuck ay nakaalis na rin ang mag-ama. Ayaw mang niya ay labis siyang nababahala sa kalagayan ni Mark. Oo, lumalaki na ang gastusin para kay Jisung. Nagsabay-sabay pa dahil sa nalalapit nitong booster vaccine na talaga naman kailangang pag-ipunan.

Kung madali lang sanang sabihin ang lahat ng nararamdaman ay hindi na sana sila nahihirapan ng ganito. Hindi naman tanga si Donghyuck, maaaring minsan ay manhid pero hindi siya tanga para hindi makaramdam.

Kakaiba ang relasyon nila, tipikal na housemates na parehong hirap magsabi ng nararamdaman. Pero naiintindihan iyon ni Donghyuck dahil alam niyang kailangang isaalang-alang palagi ni Mark si Jisung.

 

"Kuya Taeil, pakisabay na lang ulit siguro sana si Jisung mamaya. Mukha kasing gagabihin si Mark ng uwi. Try ko na lang na makapag-out nang maaga, alam mo namang dami ko ring deadlines ngayon."

Iyon ang bungad ni Donghyuck nang makasabay niya si Taeil palabas ng complex nila.  "Pasensya na talaga, Kuya. Gawa na lang akong paraan mamaya."

Magaang ngumiti ang guro sa kanya. "Okay lang, Hyuck. Di na kayo iba sa akin." Ngumisi si Taeil sa kanya. "Hulaan ko, may gig na naman ang asawa mo?"

Nag-init ang pisngi ni Donghyuck bago siniko si Taeil. "Hoy hindi ko nga asawa si Mark, ang kukulit niyong lahat! Lagi niyo na lang sinasabi 'yan kaya baka hindi na talaga makapag-asawa si Mark dahil dito."

"Donghyuck ang pagiging denial, hindi inuugali 'yan ha."

Sinamaan niya ito ng tingin. "E totoo naman? Wala naman talagang something?"

"Ang sabihin mo, di nagjo-jowa si Mark kasi ikaw na ang iniisip niyang asawa. Ano 'yan, bahay-bahayan lang? Nanay, tatay gusto ko ng tatay? Gano'n ba?!"

Umirap na lang si Donghyuck nang panay pa rin ang tukso ni Taeil sa kanya. "Ewan ko sa 'yo, Kuya. Mamaya kung ano-ano na tinuturo mo sa anak namin ha."

"Ewan din sa 'yo, Hyuck! Kina-career mo na masyado ang pagiging asawa. Ingat na lang."

 

Maya-maya pa ay naghiwalay na sila ng daan ni Taeil. Masaya ang simula ng araw kahit may kaunting kaba sa puso niya.



//

 

"Gandang gabi po sa inyo," bati ni Jaehyun sa lahat. "Wala po ang aming gitaristang si Johnny tonight pero kasama namin ang poging kaibigan na si Mark. Isang palakpakan naman diyan!"

Pawisan si Mark habang nahihiyang nakatingin kina Jaehyun at sa audience. Ito at si Jeno ang nagre-reach out sa kanya kapag kailangan siya sa gigs ng banda nito.

Nagpalakpakan ang mga tao, dinig niya ang tilian ng mga babae nang hawiin niya ang buhok at iniangat ang salaming dumudulas sa ilong nito.

 

Tumawa si Jeno sa kanila. "Pero sorry girls, hindi na available si Markie boy namin. May asawa na siyang naghihintay sa pag-uwi niya."

Napailing na lang si Mark habang mabilis na kumabog ang dibdib habang naiisip ang mag-ama niyang naghihintay sa kanyang pag-uwi. At anong ligaya ni Mark sa tuwing naririnig na asawa niya si Donghyuck.

Dismayado ang mga tao kaya natawa si Mark. "May anak pa akong naghihintay sa akin kaya sorry na lang sa inyo."

 

"At para sa last song namin tonight, para sa mga umaasa, mga taong iisa lang ang laman ng puso. This is our version of your song."



It took one look

And forever lay out in front of me

One smile, then I died

Only to be revived by you

 

Wala nang ibang nagawa si Mark kundi ngumiti dahil nakalutang ang isip. Walang ibang laman ang utak kundi si Donghyuck, si Jisung at ang pamilya nila.

 



"Pare, shot ka muna saglit kahit isa lang. Salamat pala sa pagpunta mo tonight. Laking tulong."

Tipid lang na ngumiti si Mark at iniusog ang baso pabalik kay Jeno. "Pass ako, bro. Alam niyo namang hindi na ako umiinom, di ba?"

Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga kaibigan ang nangyari noon kay Mark kaya iwas na iwas siya sa kahit anong alak. Simple lang naman ang buhay niya dati, bahay at university lang. Consistent Dean's Lister, achiever kaya walang mag-e-expect na bigla na lang siyang magkakaroon ng anak.

Siguro gawa na rin ng mukha ni Mark na talaga namang hinahabol-habol ng marami ay nakursunadahan siyang gaguhin ng mga taong inakala niyang kaibigan noon. Nang dahil sa alak ay nakagawa siya ng mga bagay na di niya inaasahan. Hanggang sa isang araw, may iniwan na lang na sanggol sa tapat ng bahay nila Mark at sinabing anak niya iyon.

Hindi siya kailanman nagduda sa katauhan ng bata. Anak niya si Jisung, dugo't laman kaya bilang ama ay bubusugin niya ito ng pagmamahal kahit na siya na rin ang tumayong ilaw ng tahanan.

Ngunit dahil kay Donghyuck ay tumibay ang haligi ng bahay, naging dalawa silang sandalan ng munting tahanan at si Jisung ang nagsilbi nilang ilaw.

 

May mapang-unawang ngiti sa labi ng mga kaibigan. In-adjust ni Mark ang suot na salamin saka nilagok ang tubig sa plastic cup.

"Alam namin, pare," ani Hendery. "Sensya ka na, minsan na lang din kasi tayo magkita-kita kaya di ka namin mapigilang alukin mag-happy happy ngayon. Kumusta na nga pala 'yung asawa mo?"

Nasamid siya sa tanong ng kaibigan na ngayon ay nakangisi na. May mapanuksong titig ang mga ka-banda. "Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ko nga asawa si Donghyuck?! Para kayong mga gago. Kasama ko lang siya sa bahay. Kaibigan, gano'n."

 

Inirapan siya ni Jaehyun bago ngumisi nang nakakaloko sa kanya. "Ulol. Hindi nga asawa pero huwag mo nang itanggi kasi alam naming gusto mo ring asawahin si Hyuck."

Ngumuso si Mark at nilaro ang labi. Hindi naman niya inuugaling mag-deny. Sadyang marami lang kailangang i-consider kung itutuloy niya ang kahibangang ito kay Donghyuck. "Oo naman. Gustong-gusto talaga. Aasawahin, mamahalin."

Nagkantiyawan sa lamesa at napahinga na lang si Mark. Malakas lang ang loob niya kapag kasama ang barkada ngunit kapag kaharap na si Donghyuck ay hindi siya makagalaw. 

Isa lang naman ang ugat kung bakit hindi niya magawang magtapat ng feelings sa housemate niya. Takot siya. Takot na baka maulit ang mga nangyari sa nakaraan niya.

 

Aware si Mark na mabuti ang puso ni Donghyuck at kailanman ay hindi siya hinusgahan nito. Ngunit kahit gano'n ang sitwasyon, lagi niyang naiisip si Jisung.

Kailangan niyang unahin ang kapakanan ng anak, minsan ay hindi na niya iniisip pang sumubok na magmahal ulit dahil isang pagkakamali lang, alam ni Mark na pati si Jisung ay maaaring masaktan.

Marahil kapag sumugal at tumaya na naman si Mark ay baka masaktan din ang anak niya kaya pilit niyang isinisiksik sa isipan na wala siyang panahong umibig kahit pa paulit-ulit na siyang kinakatok ng sariling damdamin.

Kahit nasa harapan na niya ang kasagutan ay hindi niya mahanap ang lakas ng loob. Alam naman niyang hindi sila iiwan ni Donghyuck ngunit kapag naiisip niyang bubuo na ito ng pamilya kasama ang iba ay wala siyang ibang maramdaman kundi takot at sakit.

 

"Ang dali-dali lang naman niyan, Mark. Sa ilang beses naming nakikita si Donghyuck, dama naming mahal ka rin niya lalo na si Jisung. Ano pa bang alinlangan mo roon?"

Naaamin lang niya ang ganitong bagay kapag kasama ang mga kaibigan. Na oo, mahal niya naman talaga si Donghyuck. Mahal na mahal niya ito. 

"Ang simple lang din ng isasagot ko, natatakot ako, okay? Takot na akong masaktan. Takot ako para kay Jisung, paano kapag nahirapan siya? Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nasaktan ang anak ko. Alam niyo kung gaano ko siya kamahal."

Tumahimik sa mesa liban sa tunog na nagmumula sa panibagong bandang nakasalang sa gig. Maingay ang paligid ngunit ganoon din ang puso ni Mark, maraming duda at takot lalo na sa mga dati niyang napagdaanan. Idagdag pa na halos ipagtulakan na siya ng magulang dahil sa mga bagay na wala siyang kontrol.

 

"Kaya nga may compromise, Mark," bulong ni Jeno. "Sabihin mo na kay Donghyuck. Maiintindihan ka niyan. Kaya mag-usap na kayo bago pa mahuli ang lahat."

 

~

 

"Papa Tito, saan na po si Tatay?"

 

Mabilis na napamulat si Donghyuck nang marinig ang tinig ni Jisung. Mababaw ang tulog niya habang nakikiramdam kung anong oras makakauwi si Mark. Nakasiksik siya sa di hamak na mas maliit na kama ng mag-ama. Hindi mapakali si Donghyuck hangga't hindi pa dumadating si Mark.

Sinipat niya ang telepono, pasado ala-una na rin ng madaling araw at wala siyang nakuhang text kung uuwi ba 'to o hindi.

"Nasa work pa si Papa, baby. Sleep ka pa, tingnan ko kung nandiyan na siya. Tatabihan kita ulit, okay?"

Tumango ang bata at nakatulog na ulit pagkatapos ng ilang tapik sa binti at kaunting paghele.

 

Paglabas ni Donghyuck ng kuwarto ay may maliit na ilaw galing sa dining area, anong luwag ng pakiramdam nang makita niyang nakadukdok na naman si Mark sa luma nitong laptop. Mukhang nakatulugan na nito ang trabaho. Awang ang labi at nakakunot ang noo, kahit sa pagtulog ay mukhang problemado pa rin ang lalaki.

Hinawi niya ang buhok na nakalaglag sa mukha nito saka matamang tumitig sa payapang hitsura ni Mark. Sumisikdo ang dibdib habang iniisip kung gaano katindi ang nararamdaman niya para rito.

Pareho lang naman yata silang naghihintayan lang ngunit naiintindihan ni Donghyuck kung bakit mahirap tumaya sa ganitong relasyon lalo na at may batang madadamay sakaling hindi magiging maganda ang kahihinatnan ng lahat.

 

Lumakad siya sa puwesto ni Mark bago hinaplos ang pisngi nito. "Mark, nakatulog ka na naman dito. Bangon na."

Marahang nagmulat ng mata si Mark, namumula iyon; halatang may bahid pa ng pagod at antok. "Kanina ka pa hinihintay ni bunso. Anong oras ka dumating? Nagpalit ka ba ng damit? Baka pawis ka tapos matuyuan ka, magkakasakit ka niyan."

Tumayo ito at yumakap sa kanya. Sanay na si Donghyuck sa ganito ngunit matindi pa rin ang kabog ng puso niya.

"Mga alas-onse na po ako nakarating, sorry hindi kita nasabihan. Pinasa ko pa yung ine-encode ko. Di ko na namalayan 'yung oras."

 

Dama ni Donghyuck ang init ng paghinga sa leeg niya, humalik pati si Mark sa pisngi bago lumuwag ang brasong nakaikot sa kanya.

"Mhmm. Kumusta 'yung gig? Hanggang kailan ba 'yan? Mark naman, magpahinga ka. Ayaw kong magkasakit ka. Lagi ka na lang puyat tapos ang aga-aga mo pang umalis parati."

 

Umingit si Mark at saka inihaba ang labi sa kanya kaya pinandilatan niya ito. "Hindi gagana 'yan. Huwag kang magpa-cute sa akin. Mark, alagaan mo naman ang sarili mo. Please? Para kay Jisung?"

"Hyuck," reklamo ni Mark. "Sorry na. Sorry na, mahal ko. Hindi ako makatanggi kasi malaki 'yung parte ko. Alam mo naman, praning ako kapag pera."

 

Halos takasan si Donghyuck ng hangin. Unang beses niyang narinig na tawagin siya ni Mark na mahal. Mukhang inaantok pa nga yata ito at wala sa huwisyo.

 

"Hindi kita pinipigilan, okay? Nagpapaalala lang ako sa 'yo. Sige na, ako nang bahala rito. Tabihan mo na si Jisung at baka magising pa."

Tumango si Mark at pinisil ang kamay niya. "Thank you, Hyuck mahal. Good morning."

Pagpasok nito sa lalaki ay saka napasubsob si Donghyyck sa lababo at pinalaya ang hanging nakaipit sa dibdib na kanina pa niya pinipigilang ibuga. Nananakit ang puso sa sari-saring emosyong pumupuno sa damdamin.



Hindi na niya kaya pang makipagtaguan pa at magpanggap na wala siyang nararamdaman para rito.

 

 

Dumaan ang mga araw at nanatiling matigas ang ulo ni Mark. Dumadalas pa rin ang pag-uwi nito ng gabi at nababahala si Donghyuck dahil nawawalan na ang lalaki ng oras para sa anak.

Ayaw naman niyang manghimasok dahil alam niyang wala siyang karapatan hangga't hindi sila nagkakaaminan nang maayos.

 

Pero isang araw lang ang kailangan para magbago ang lahat.

~

 

There's something off during that day. Pangit ang gising ni Donghyuck, maagang umalis si Mark at maligalig si Jisung. Kaya hindi niya maintindihan ang kabang nararamdaman habang tumatakbo ang oras. He can't pinpoint pero kutob ni Donghyuck na parang may mangyayaring hindi maganda.

 

Inaliw na lang ni Donghyuck ang sarili habang nasa boring 8-5 office job niya ngunit bandang lunch break ay gulat siya nang biglang tumawag si Taeyong.

 

"Bunso? Alam kong busy ka pero huwag kang kakabahan, okay? Huwag kang mabibigla."

May kung ano sa tono ng kaibigan na lalong binundol ng takot ang dibdib ni Donghyuck. "Kuya Yong naman, wala akong oras para manghula. Anong nangyayari."

"Hyuck, nasa ospital ako ngayon—"

"Kuya, anong nangyari sa 'yo?"

 

Biglang tumahimik sa kabilang linya. "Hindi ako, Hyuck. Si Mark. Nasagi ng motor habang tumatawid sa studio na pagre-rehearse-an nila…"

Nanginginig ang mga daliri niya at muntik nang maibagsak ang hawak na telepono. Hindi na siya nakapag-isip pa nang maayos, lumalangoy lang ang isipan sa katotohanang napahamak si Mark.

 

"Bunso? Nandiyan ka pa ba?"

"A-Anong nangyari? Nabalian ba siya? Malala ba 'yung tama niya?"

Nilunok niya ang bikig sa lalamunan at pinilit na huwag mapaiyak habang naririnig ang kalmadong tinig ni Taeyong. 

"Medyo napuruhan lang 'yung braso niya. Kailangan siyang naka-cast for 3 weeks. Wala namang nabali maliban sa kaunting galos at bugbog na braso. Mabuti na lang hindi malakas ang impact."

Napahikbi nang tuluyan si Donghyuck, hindi alam kung dahil ba 'yon sa pagkabahala o dahil sa relief na okay lang si Mark.

"Nasaan kayo, Kuya? Mag-halfday na ako. Susunod ako riyan, h-hindi ako puwedeng tumanga lang dito nang walang ginagawa."

Naaagit na si Donghyuck, gusto na niyang makita si Mark. Hindi siya mapapakali dahil para na siyang kinakain mg matinding takot. Paano na lang kung napuruhan si Mark? Worst case scenario, paano kung basta na lang itong mawala sa kanila?

 

Ni hindi pa sila nakakapag-linawan ng tunay na damdamin, hindi man lang nakapag-usap ng maayos at hindi nagkita kaninang umaga.

 

Muntik nang mawalan ng pagkakataon para sa kanilang dalawa.

 

"Hyuck," malambing ang tinig ni Taeyong. "Kaya ko na 'to. Susunod naman daw ang bandmates ni Mark. Si Jisung na lang ang asikasuhin mo, may exams 'yung bata kaya okay lang bang ikaw muna magbantay sa kanya?"

Gusto niyang umalma dahil gusto ni Donghyuck na alagaan si Mark pero ayaw naman niyang maging selfish. May anak pa silang umaasa sa kanila.

 

Makapaghihintay pa naman si Donghyuck, ilang oras lang naman 'yon. Nakaya niyang hintayin sa apat na taon si Mark, ano ba naman itong ilang sandali lang?

 

"Alam kong gusto mo nang makita si Mark pero kumalma ka muna, okay? Ako na bahala dito sa pinsan ko. Mas intindihin mo muna si Jisung."

"Y-Yes, Kuya. Balitaan mo ako kung may kailangan si Mark." Lumunok lang si Donghyuck, pigil lahat ng luhang gustong kumawala, nakakatawa na ibang tao pa ang unang makakaalam nito. "Please, Kuya Yong, mahal ko talaga si Mark."

Tama na ang apat na taong nangangapa sila sa dilim, pinipilit pigilan ang mga damdamin. Pero baka nga gano'n, baka nga sa bingit ng buhay ng isang tao ay doon mo lang matatanto na mas mabuti nang masabi mo lahat kaysa magsisi dahil hindi mo sinubukan.

 

Ayaw naman ni Donghyuck na kung kailan mahuhuli ang lahat ay saka niya lang aaminin ang totoo.

"Kaya nga maaga ka na lang sa umuwi sa apartment, Hyuck. Kapag may clearance naman na ng doktor, idi-discharge na rin si Mark."

Tumango lang siya at hindi alam kung maiiyak na naman o matatawa sa nararamdaman niya. "Sorry, Kuya. 'Di ko kayang hindi mag-alala. Mahal ko e."

 

"Alam ko lahat, Hyuck." Hindi man sila magkaharap ni Taeyong, dinig niya ang ngiti sa boses nito. "Mahal ka rin ng pinsan ko."



//

 

Kagaya ng usapan ay maagang nag-out si Donghyuck at siya na ang sumundo kay Jisung sa tutorial nito. Bibong-bibo ang bata habang nagkukuwento tungkol sa matataas nitong grade sa exams.

 

"Papa Tito, why po ikaw ang nagsundo sa akin today? Where's Tatay po?"

Iyon ang bungad nito sa kanya pagdating ng bahay. Matalino ang anak nila ni Mark, dama ni Donghyuck na alam nitong may mali.

"Nasa hospital si Tatay pero kasama niya si Tito Yong. Hihintayin natin si Tatay umuwi, okay ba 'yon?"

Ngumuso si Jisung dahilan para lumabas kung gaano nito namana lahat ng itsura kay Mark. "Nag-cry po kaya si Tatay kasi may ouchie siya? Di ba po gagamutin naman siya ng doctors doon? Okay naman po si Tatay, di ba Papa Tito?"

Nangilid ang luha ni Donghyuck, gusto na niyang ibigay sa mag-ama niya lahat-lahat. Humalik na lang siya sa noo ni Jisung habang pinupulbusan ang likod nito pagkabihis.

 

"Hindi siguro nag-cry si Tatay Mark kasi big boy na siya pero kiss mo pa rin ang Tatay pag-uwi, okay? Pero careful ha, kasi may ouchie siya sa braso."

Tumango si Jisung at para itong buntot na nakasunod sa kanya sa kusina. Napakadaldal habang sinasabi na aalagaan nito si Mark pagdating sa bahay.

 

"Love ko po si Tatay, Papa Tito. Ikaw po ba, love mo po siya?" Inosenteng tanong ni Jisung at gusto na lang ni Donghyuck na umiyak. " Love ko po kayo ni Tatay, Tito Hyuck. Gusto ko na po ikaw maging real Papa parang si Tatay Mark po."

 

Malambing niyang niyakap ang batang tinuring na niyang anak. Hindi man niya dugo't laman si Jisung, mahal niya si Jisung kagaya kung paano niya mahal si Mark. "Oo naman, baby love. Mahal na mahal ko si Tatay mo. Mahal ko kayong dalawa."

Sinasabi nila ang dami naman riyan na walang ekstrang bagahe pero para kay Donghyuck, tanggap niya lahat ng bitbitin ni Mark dahil handa siyang samahan itong buhatin lahat.

Malaking responsibilidad oo, pero handa na si Donghyuck na itaya ang lahat sa lamesa, handa nang isugal ang puso kahit walang katiyakan ang mga bukas na darating.

 

~

 

Mabilis na nakatulog si Jisung pagkatapos niyang asikasuhin ang homework nito. Iniwan niya muna ito sa kuwarto niya dahil baka masagi nito ang braso ni Mark. Pumayag naman ang bata dahil ayaw nitong mag-cry ang ama.

Habang nakahiga naman si Donghyuck sa sofa, matiyagang naghihintay kung ngayon ba makakauwi si Mark. Hindi siya gaanong sanay na magpuyat ngunit mas lalong hindi siya matatahimik hangga't wala si Mark. 

Mabilis gumalaw ang mga kamay ng orasan hanggang sa halos mag-a-alas diez na na ng gabi. May kumalansing na susi sa labas at agad na bumangon si Donghyuck para buksan ang pinto. Tumambad ang isang pawisang Mark na nakalagay ang braso sa isang sling.

 

Lumunok si Donghyuck para pigilan ang sarili na pagalitan ito kaya tahimik niyang inakay si Mark paupo sa sofa at pinahid ang pawisan nitong mukha.

 

"May nagdi-dischaarge ba nang ganito kagabi? Sino kasama mong umuwi, ni hindi ka man lang tumawag sa akin."

May bahid ng tampo ang tinig niya, hindi maiwasan ni Donghyuck na magkaganito dahil sa dami ng negatibong bagay na tumatakbo sa isip iya.

"Si Kuya Yong saka sina Jeno. Naghapunan muna kami saka ako hinatid, huwag ka nang mag-alala."

 

Umiwas siya ng tingin at napabuga ng hangin. "Mark, paano naman ako hindi mag-aalala ha? Diyos ko naman, mahal. Anong gusto mong gawin ko?"

Ngumiti si Mark at hinila siya papalapit gamit ang libreng kamay nito. "Na-sprain lang ako ng kaunti saka may pamamaga rin pero kaya ko naman. Salamat sa pag-aalala mo, Hyuck. Salamat na rin pati sa pagbabantay kay Jisung."

 

Patuloy lang sa pagkabog ang dibdib ni Donghyuck kaya naman siya na ang gumawa ng paraan dahil mukhang wala namang balak si Mark na umamin. Kinupkop ni Donghyuck ang mukha ni Mark at hinayaan niya ang mga mata na mangusap dito.

 

Hinawi niya ang mga buhok na tumatabing sa noo nito, hinaplos ang pisngi at idinikit ang labi sa gilid ng bibig ni Mark.

 

"H-Hyuck. A-Ano…"

 

Hinubad niya ang salamin ni Mark saka tuluyang siniil ng halik ang labi nito. Dampi lang iyon sa una, dahan-dahang nakikiramdam hanggang sa kabigin siya ni Mark sa batok para palalimin ang halik.

Hindi magkandatuto si Donghyuck kung paano tutugon, pareho silang matagal nang walang karekasyon kaya mukhang bago sa kanilang dalawa ang lahat.

Bawat diin ay tinumbasan niya ng init, sumipsip sa isa't isa at pinalaya ang damdaming matagal nang nakakulong aa puso nila. Bawat palitan ng hangin, bawat buga ay naliliyo si Donghyuck. 

 

Walang ibang laman ang isip kundi si Mark lamang. Nalulunod, umiinit at handa siyang masunog.

 

Bahagyang lumayo sila upang sumagap ng hangin habang kagat pa rin ni Mark ang ibabang labi niya. Napangiti si Donghyuck sa pagitan ng halik nang kagatin niya bahagya ang labi ni Mark at dinig niya ang pag-ingit nito.

 

"Sorry, hindi na yata ako marunong humalik." Ngumuso pa si Mark at gusto na lang maiyak ni Donghyuck. Halos bumaluktot na ang mga daliri niya sa paa habang nakatitig sa lalaking mahal na mahal niya.

 

"Cute mo, Mark. I love you."

 

Dumulas lang lahat ng salita sa bibig ni Donghyuck at kita niya kung paano mamula ang mukha ni Mark.

 

"Parang kailangan ko yatang  bumalik sa ospital, Hyuck."

 

Ikiniling niya ang ulo kay Mark bago humalik sa ilong nito. "Bakit naman?"

 

"'Yan! Tingnan mo ginagawa mo ngayon," ingit nito. Aatakihin ako sa puso dahil sa 'yo."

Tumawa siya at pinadikit ang mga noo nila, masakit isipin na kinailangan pang mangyari ang ganito bago sila magkaaminang dalawa. 

"Mahal na mahal kita, Mark," bulong ni Donghyuck habang nakatitig dito. "Sabi ko hindi na ako papayag pa na matapos ang araw na 'to na hindi ko masasabi sa 'yo lahat."

Tuloy-tuloy ang mga bagay na matagal niyang tiniis itago. "Alam kong mahirap na para sa 'yo na magmahal ulit pero gusto kong subukan lahat pagdating sa inyo ni Jisung. Gusto kong mahalin ka at ipakita na lagi kayong may bahay na uuwian sa akin."

Tumango si Mark habang kita niya ang luhang namumuo sa mata nito. Parehong nanlalamig ang kamay nilang nakakapit sa isa't isa. "Wala 'to sa plano ko, alam mo ba? Kasi may anak na ako, sino bang may gusto ng excess baggage sa buhay, di ba? Kaso wala, ang kulit mo, ang sarap mong mag-alaga at araw-araw kong pinagdadasal na sana puwede tayong dalawa?"

 

Tuluyan nang napahikbi si Donghyuck habang dinidinig ang mga sinasabi ni Mark sa kanya. 

 

"Matagal na rin akong naghihintay, Hyuck. Ramdam kong mahal mo kami at kahit kailan hindi ako nagduda sa pagmamahal mo kay Jisung. Mahal na mahal na mahal kita," hikbi nito. "Natatakot ako pero mas takot akong hindi pagbigyan 'tong nararamdaman ko."

 

Muli ay kinabig siya ni Mark upang magsalo sa isa pang halik, ngayon ay mas magaan na ang dibdib maging pati ang dampi ng mga halik sa kanilang labi. Ngumingiti at bumungisngis sa pagitan ng halik na puno ng pagmamahal.

Maaaring mabilis sa paningin ng iba ngunit sa apat na taon nilang pagbabahay-bahayan ay napakatagal na nilang naghihintayan, napakarami na nilang panahong sinayang. Subalit alam nila sa kanilang sarili na ito ang pinakatamang pagkakataon dahil ito na ang panahon na handa na sila at buo na ang loob na magmahal at sumubok.

Kinuskos ni Mark ang ilong nilang dalawa at matamis ang ngiti sa kanya. "Kailangan ko pang ma-ospital bago mo amining mahal mo ako."

Inirapan niya ito. "Eh kung ibalik kita sa ospital?! Mark ha, last na 'to. Masiyado pa akong bata para maging biyudo. Gusto ko pa ng bagong baby."

 

Malawak ang ngiting binigay nito sa kanya. "Sorry, wala ako sa sarili kanina. Male-late na kasi ako sa rehearsals at iniisip ko pa kung saan ko huhugutin ang pambayad para sa check-up ni Jisung next week. Hindi pa dumadating ang kita ko sa transcription tapos nagkaganito pa ako ngayon. Dagdag alagain pa."

 

Nauunawaan naman ni Donghyuck ang sitwasyon ngunit ngayong opisyal na silang magkatuwang ay nakahanda siyang ibahagi nang buong-buo ang sarili kay Mark.

 

"Kasama mo na ako, mahal. Simula pa noong una kaya huwag mo munang isipin 'yon. Huwag ka nang ma-stress, okay? Ang isipin mo ay kung paano mapapadali ang paggaling mo para maalagaan natin si Jisung nang maayos at para na rin makatulog ka na sa tabi ko."

Taas-baba ang kilay ni Donghyuck at napangisi naman si Mark. Syempre ay hindi pa sila puwedeng maging intimate dahil sa injury ni Mark ngayon.

"Hmm. Parang gusto ko 'yan ha," tukso nito sa pagitan ng pagtawa ngunit maya-maya pa ay sumeryoso ang tingin ni Mark sa kanya. "I love you, mahal ko. . Sa wakas ito na, matatawag na kitang asawa ko at maibibigay ko na kay Jisung ang matagal na niyang gusto, ang maging Papa ka niya."

Napatawa na lang si Donghyuck at pinitik ang noo ni Mark na agad din niyang hinalikan dahil ngumunguso-nguso ito sa kanya.

"Okay, asawa ko," asar niya kay Mark. "Mahal na mahal ko kayo. Kayo na ni Jisung ang buhay ko ngayon. Basta ipangako mong uuwi ka lagi sa akin ng maayos, hmm?"

 

Tumango si Mark at magaang humalik sa kanya. "Promise, Hyuck."

"Kasama mo na ako ngayon, Mark. Hindi ka na mag-iisa pa."

 

Sadyang masarap ang bunga ng pagmamahal na kahit kailan ay hindi pinilit, iyong kusa na lamang na pinahinog ng tamang oras at panahon. 

Lumago sa pangangalaga at sikat ng araw kasama na ang ilang dagok at ambon upang mapagtanto na matamis ang prutas sa punong binusog ng pag-aalaga at pagmamahal.

 

Alam ni Donghyuck at Mark na marami pa silang pagdadaanan. Hindi magiging madali ang lahat, may kaunting takot ngunit normal naman iyon sa isang relasyon. Subalit ngayon, ang kaibahan lang ay magkasama na nilang haharapin iyon ng magkahawak ang mga kamay bilang dalawang malakas at matatag na haligi ng kanilang munting tahanan. 



At higit sa lahat, si Jisung pa rin ang kanilang nag-iisang ilaw.



~



Naalimpungatan si Jisung dahil wala ang Papa Tito sa kanyang tabi. Pupungas-pungas siyang bumangon at hinanap kung nasaan ito.

Lumakad siya patungo sa sala at nakitang magkayakap ang Tatay Mark at Papa Hyuck niya habang mukhang tahimik na nagkukwentuhan. Nadidinig niya ang pagtawa ng dalawa pati na rin ang salitang 'love' at 'mahal'.

Nakita rin ng bata ang inosenteng halik sa noo at pisngi tanda na mukhang nagmamahalan na sa wakas ang dalawa niyang magulang.

Maingat siyang bumalik sa kuwarto at umakyat sa kama. Nag-pray muna ulit bago hinila ang bote ng gatas na nakapatong sa tabi ng kama ng kanyang Papa Hyuck. 



Hindi na siya makapaghintay ibalita kay Teacher Taeil na dalawa na ang Papa niya at kumpleto na sa wakas ang pamilya nila.




Nakatulog si Jisung ng may ngiti sa labi, nasasabik sa pagdating ng bukas.








####










Notes:

cookies to everyone who reached this far. please please leave some good things :")

twt: ohmahaemy